MENSAHE NG LUB. KGG. DENNIS C. VILLAROJO, D.D. KAUGNAY NG PAGDIRIWANG NG BAGONG TAON 2024
HTML-код
- Опубликовано: 13 дек 2024
- MENSAHE NG LUB. KGG. DENNIS C. VILLAROJO, D.D. KAUGNAY NG PAGDIRIWANG NG BAGONG TAON 2024
Ang pagpasok ng 2024 ay maaring walang kasiguraduhan sa marami sa atin. Ang pagpapalit ng taon ay maaaring puno ng pangamba, agam-agam at mga katanungan. Ganyan naman talaga kapag may bago at pagbabago, maaaring magdulot ng takot. Ngunit hindi lang takot ang dulot ng pagbabago, ito rin naman ay nagdudulot sa atin ng pag-asa at naghahandog sa atin ng maraming pagkakataon upang mapanibago ang ating buhay.
Ang bagong taong ito ay panibagong pagkakataon upang mapanibago ang ating paglalakbay bilang Simbahan. Ang liwanag ng pag-asa sa ating bagong taon ay pinatitingkad ng ating pagsusumikap sa ating Diyosesis sa mas buháy nating pakikibahagi sa Sambayanang Kristiyano patungo sa ating Panginoong Jesus, ang liwanag ng sanlibutan.
Ang pakikibahagi ay laging kaakibat ng ating pananagutan sa ating kapwa Kristiyano. Sa mga aktibo na, ang panghihikayat sa mga nanlalamig ay isang tungkulin. Sa mga may natatagong kakayahan at panahon na hindi pa naiaalay para sa pagyabong ng Simbahan, kayo ay masaya naming hinihintay at inaasahang makibahagi. Ang ating buhay Kristiyano ay mas magiging masagana at manigo sa iba’t ibang biyaya, espiritwal man o materyal, kapag tayo ay mas buhay na makikibahagi sa ating Sambayanan dahil ang Inang Simbahan ang masaganang daluyan ng kaligtasan at mga biyaya.
Sa ilalim ng pagkakandili ni Maria ang Ina ng Diyos at Ina rin nating lahat, hangad ko ang inyong maligayang pagsalubong sa bagong taong ito.
Ako si Bishop Dennis Villarojo, Obispo ng Malolos, bumabati ng Mapagpalang Bagong Taon po sa inyong lahat!