Moments of Reflections with God (October 27, 2024 - 30th Sunday in Ordinary Time)
HTML-код
- Опубликовано: 5 фев 2025
- October 27, 2024
30th Sunday in Ordinary Time
Gospel Reading: Marcos 10, 46-52
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba. Nang umaalis na sila roon, may naraanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo, anak ni Timeo. Nang marinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya ng ganito: “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawag ka niya.” Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.
Bulag ka ba?
Mga kapananampalataya, tayo po ay nasa ikatatlumpung linggo sa karaniwang panahon. Marami sa atin, kundi man lahat, ay may kabulagan sa ating mga sarili. Subalit, paano nga ba natin malalaman na ang isang tao ay bulag? Bukod sa pisikal na kabulagan, may tinatawag tayong spiritual blindness. Una, sila ang tinatawag na mga taong hindi marunong magpasalamat dahil hindi nakikita na dapat silang magpasalamat sa Diyos. Sila yung mga taong, hindi masyadong nagdadasal at hindi nagsisimba. Pangalawa, hindi na nila makita ang kanilang kamalian at kasalanan. Para sa kanila, halos nagiging natural na ang paggawa ng kasalanan, na ayos lang ang ginagawa nilang ginagawa. Halimbawa nito ay ang hindi pagpatay. May mga tao na natural at wala silang pakialam kung makapatay sila. Nagiging natural na rin ang live in o pagsasama ng hindi nakakasal. Isa rin itong isang uri ng kasalanan.
Pero, bakit nga ba tayo nagiging bulag? Una na sa listahan ay ang kasalanan. Binubulag tayo ng kasalanan para hindi natin makita na mali na pala ang ginagawa natin. Pinagmumukhang ayos lang ng kasalanan ang ating mga ginagawang hindi tama. Pangalawa sa listahan ay ang pagiging sakim. Binubulag tayo ng kasakiman na makita ang mga bagay na nakapaligid sa atin lalo na ang mga pangangailangan ng ating kapuwa. Nakikita lang natin ang ating sarili, pero nabubulagan tayo sa ibang tao. Wala tayong pakialam sa kapakanan ng iba basta meron tayo. Pangatlo sa listahan ay ang pagiging mapag-isip ng hindi maganda sa ating kapuwa. Minsan tinitignan natin ang mga ito na walang kwenta batay sa ating nakikita o naririnig. Minsan nagkakaroon tayo ng biases sa ating mga kapuwa. Nang dahil sa ating sariling kaisipan o impluwensiya ng iba, hindi nakikita ang tunay na katangian o kagalingan ng isang tao. Hindi na tayo nag-iisip. Pang-apat ay ang ating kamangmangan tungkol sa ating pananampalataya. Ang ating pananampalataya ay dapat nagtuturo sa atin ng tama at mali. Ito ay dapat nagpapakita at naghahatid sa atin sa katotohanan. Kaya lang minsan, nang dahil na rin sa kababawan ng ating pananampalataya, nabubulagan tayo sa mga dapat nating gawin at hindi dapat.
Paano nga ba natin maiiwasan ang pagiging bulag? Umiwas tayo sa kasalanan. Dahil ang kasalanan ang siyang numero unong dahilan kung bakit tayo nagiging bulag sa lahat ng mga bagay. Layuan natin ang mga taong nagdudulot sa atin ng kasalanan at naglalayo sa atin sa katotohanan ng ating pananampalataya. Lumapit tayo kay Kristo, ang kaliwanagan ng ating pananampalataya at buhay. Bumalik tayo sa ating simbahan at dumalo sa mga gawain nito.
Sa kabila ng ating pagiging bulag, tayo pa rin ay inaanyayahan na gayahin si Bartimeo. Una, dapat magmula ito sa ating kagustuhan o desire. Maraming pipigil sa atin na muling lumapit kay Hesus. Nandyan ang kasalanang ginagawa natin, mga tao sa paligid natin at maging ang ating sa sariling kaisipan. Subalit, kung talagang gusto natin, dapat ito ay pagsumikapan nating gawin. Magbigay tayo ng effort na makalapit sa ating Panginoon, kahit na tayo pinipigilan. Kapag tuluyan na tayong nakalapit at nakabalik sa liwanag ni Kristo, maging bukas tayo. Sabihin natin sa kanya ang nilalaman ng ating mga puso upang tuluyang matanggal ang ating pagiging bulag.
Harinawa, pagsumikapan natin na matanggal ang ating pagiging bulag sa lahat ng bagay at ating hingin ang tulong at biyaya ng Diyos para muli tayong makakita sa liwanag at pagpapala ni Kristo.
Panginoon, tanggalin mo po ang anumang sanhi ng aming pagkabulag. Tulungan po ninyo kaming muling makakita sa inyong liwanag at katotohanan. Amen.