Genesis 31

Поделиться
HTML-код
  • Опубликовано: 21 окт 2024
  • Genesis 31 / 창세기 31장
    Magandang Balita Biblia
    1. Nabalitaan ni Jacob na laging sinasabi ng kanyang mga bayaw na kinamkam na niyang lahat ang ari-arian ng kanilang ama at galing dito ang lahat niyang kayamanan.
    2. Napuna rin niyang nagbago na ang pakikitungo sa kanya ni Laban
    3. Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, “Magbalik ka na sa lupain ng iyong mga magulang at mga kamag-anak at sasamahan kita.”
    4. Pinasabihan ni Jacob si Raquel at si Lea na tagpuin siya sa parang na kinaroroonan ng kanyang mga kawan.
    5. Sinabi niya sa kanila, “Napansin kong iba na ang pagtingin sa akin ng inyong ama, hindi na tulad ng dati. Subalit hindi ako pinabayaan ng Diyos ng aking mga magulang.
    6. Alam ninyong ginugol ko ang aking buong lakas sa paglilingkod sa inyong ama.
    7. Sa kabila noon, dinadaya pa rin niya ako. Sampung beses na niyang binabago ang kabayaran sa akin ngunit hindi ipinahintulot ng Diyos na ako'y maapi.
    8. Kapag sinabi ni Laban na ang ibabayad sa akin ay ang batik-batik, ang buong kawan ay nanganganak nang ganoon.
    9. Ang Diyos ang may kaloob na mapasaakin ang kawan ng inyong ama.
    10. “Sa panahon ng pag-aasawahan ng mga hayop, ako'y nanaginip. Nakita ko na pawang batik-batik ang lahat ng barakong kambing.
    11. Sa aking panaginip, tinawag ako ng anghel ng Diyos at ako nama'y sumagot.
    12. Ang sabi sa akin, ‘Jacob, masdan mo ang lahat ng mga barakong kambing, silang lahat ay may batik. Ginawa ko ito sapagkat alam kong dinadaya ka ni Laban.
    13. Ako ang Diyos na nagpakita sa iyo sa Bethel na kung saan ay binuhusan mo ng langis ang isang bato bilang alaala. Doon ay gumawa ka rin ng isang panata sa akin. Maghanda ka na at umalis ka sa lupaing ito; umuwi ka na sa iyong lupang sinilangan.’”
    14. Sinabi naman nina Raquel at Lea, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama.
    15. Dayuhan na ang turing niya sa amin. Ipinagbili niya kami, at nilustay ang lahat ng pinagbilhan sa amin.
    16. Kaya, ang lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay sa amin at sa aming mga anak. Gawin mo ang sinasabi sa iyo ng Diyos.”
    17. Isinakay niya sa kamelyo ang kanyang mga asawa't mga anak.
    18. Dinala niya ang kanyang mga kawan at lahat ng kayamanang naipon niya sa Mesopotamia at bumalik sa Canaan, sa lupain ng kanyang amang si Isaac.
    19. Wala noon si Laban sapagkat naggugupit ito ng balahibo ng mga tupa. Sinamantala iyon ni Raquel upang kunin ang mga diyus-diyosan sa tolda ng kanyang ama.
    20. Nilinlang ni Jacob si Laban na Arameo; hindi niya ipinaalam ang kanyang pag-alis.
    21. Tinawid niya ang Ilog Eufrates papunta sa bulubundukin ng Gilead, dala ang lahat niyang ari-arian.
    22. Makaraan ang tatlong araw, nalaman ni Laban ang pag-alis nina Jacob.
    23. Isinama niya ang kanyang mga tauhan at hinabol nila si Jacob. Inabot nila ito sa bulubundukin ng Gilead pagkaraan ng pitong araw.
    24. Nang gabing iyon, si Laban ay kinausap ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip. Sinabi sa kanyang huwag pagbabantaan ng anuman si Jacob.
    25. Nang dumating si Laban, si Jacob ay nakapagtayo na ng kanyang tolda sa kaburulan. Nagtayo rin ng tolda si Laban sa kaburulang iyon ng Gilead.
    26. Tinanong ni Laban si Jacob, “Bakit mo ako nilinlang at itinakas mo pa ang aking mga anak na parang mga bihag?
    27. Bakit mo inilihim sa akin ang iyong pag-alis? Sana'y inihatid ko kayo na may tugtugan at awitan sa saliw ng tamburin at alpa.
    28. Hindi mo man lamang ako binigyan ng pagkakataong mahagkan ang aking mga anak at mga apo bago sila umalis. Napakalaking kahangalan ang ginawa mong ito!
    29. Kung sabagay, kaya kitang saktan, ngunit hindi ko iyon gagawin sapagkat kagabi'y sinabi sa akin ng Diyos ng iyong ama na huwag kitang pagbantaan sa anumang paraan.
    30. Alam kong ginawa mo ito dahil sabik na sabik ka nang umuwi sa inyo. Subalit bakit mo naman ninakaw ang aking mga diyos?”
    31. Sumagot si Jacob, “Natakot po ako na baka hindi ninyo pasamahin sa akin ang inyong mga anak.
    32. Ngayon, kung makita ninyo ang inyong mga diyos sa sinuman sa amin, dapat siyang mamatay. Saksi ang naritong mga kamag-anak natin; tingnan ninyo kung mayroon kayong anumang ari-arian dito at kunin ninyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel ang kumuha ng mga diyus-diyosan ni Laban.
    33. Hinalughog ni Laban ang tolda ni Jacob, ang kay Lea, at gayon din ang sa dalawang aliping babae, ngunit hindi niya nakita ang kanyang mga diyos. Pumasok din siya sa tolda ni Raquel,
    34. ngunit naitago na nito ang mga diyus-diyosan sa upuang nasa likod ng kamelyo at iyon ay kanyang inuupuan. Hinalughog na mabuti ni Laban ang buong tolda, ngunit wala siyang nakita.

Комментарии •