Si Buwan, si Araw at ang mga Bituin

Поделиться
HTML-код
  • Опубликовано: 7 фев 2025
  • Si Buwan, si Araw at ang mga Bituin - Noong unang panahon, si Bathala ay nag-iisa. Walang anumang bagay sa paligid. Napakalungkot niya sa kanyang pag-iisa kaya napag-isipan niyang likhain ang mundo. Subalit hindi siya naging masaya sa kanyang likha dahil ito ay nababalot ng kadiliman. Minsan habang siya ay nakahiga at nagmumuni-muni’y bigla siyang napabalikwas. Nagningning ang kanyang mga mata dahil sa isang ideyang pumasok sa kanyang isipan.
    "Lilikha ako ng mga bagay na magbibigay-liwanag sa mundo!" naibulalas niya. At gayun nga ang nangyari. Nilikha ni Bathala ang malakas at matipunong si Araw at ang mahinhin at magandang si Buwan. Naging magkasama ang dalawa sa pagbibigay ng liwanag sa mundo. Masaya sila sa pagtupad sa kanilang tungkulin hanggang sa mahulog ang loob nila sa isa't isa. Minahal ni Araw si Buwan at gayundin naman si Buwan kay Araw. Hindi nagtagal at sila'y naging mag-asawa. Naging maganda at payapa ang pagsasama nila hanggang sa sila ay magkaanak.
    "Mahal kong Araw, alam ko kung gaano mo kamahal ang ating anak subalit hindi ka puwedeng lumapit sa kanya dahil masusunog siya sa matinding init na taglay mo. Hayaan mong ako ang mag-alaga sa kanya at tanawin mo na lang siya mula sa malayo," pakiusap ni Buwan sa kanyang asawa.
    Malungkot na tinanggap ni Araw ang pakiusap ni Buwan. Gustong-gusto niyang lumapit para mahawakan o mayakap ang kanilang anak subalit alam niyang makakasama ito sa bata kaya nagkasya na lang siya sa pagtingin at pagsubaybay sa anak mula sa malayo.
    Lumipas ang panahon, habang lumalaki ang kanilang anak ay lalong tumitindi ang pagnanais ni Araw na makalapit sa kanya. Minsan, habang natutulog ang anak nila katabi ng inang si Buwan ay hindi niya napigilan ang sarili.
    "Isang halik lang. Gustong-gusto kong mahalikan ang aking anak. Kahit hindi dumampi basta malapitan ko lang siya," bulong ni Araw sa sarili.
    At iyon nga ang nangyari. Dahan-dahan siyang lumapit sa natutulog na anak at akmang hahalikan ito nang mangyari ang labis na kinatatakutan ni Buwan. Ang matinding init na dala ni Araw ay nagpaliyab sa katawan ng anak nila bago pa maitulak ni Buwan palayo ang nabiglang si Araw.
    Matinding galit at lungkot ang nadama ni Buwan nang makitang naging abo ang katawan ng anak. Habang walang tigil sa pananaghoy ang kaawa-awang ina ay nilipad ng hangin ang abo mula sa nasunog na katawan ng bata. Ang iba' y kumalat at nanatili sa kalawakan. Ang iba'y napunta sa mundo.
    "Patawarin mo ako, Anak ko! Patawarin mo ako, mahal kong Buwan!" labis-labis ang pagsisisi ni Araw. Hindi niya alam kung paano makababawi sa nagawang pagkakamali. Dahil sa nangyari sa anak ay labis na nagluksa si Buwan. Kaya naman, sa loob ng maraming araw ay hindi siya nakita upang magbigay-liwanag.
    Subalit minsan, sa kanyang tahimik na pagluha at pangungulila sa anak ay napatingin siya sa kalawakan. Nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala sa nakita.
    "Anong hiwaga ito?!" ang kanyang nasambit.
    Ang mga bahagi ng abo ng kanyang anak na napunta sa kalawakan ngayo'y nagniningning. Tila ba nakangiti ang mga ito sa kanya habang kumukuti-kutitap sa dilim.
    "Mahal kong Buwan, ginawa ko ang aking makakaya para mabigyan ng liwanag ang mga abo ng anak nating kumalat sa kalawakan," sabi ni Araw. "Napansin ko ring nawala ang taglay mong liwanag dahil sa yong pagluluksa kaya ipinapangako kong habambuhay kong ipahihiram sa iyo ang liwanag ko," buong pagmamahal na sabi ni Araw.
    "Tumingin ka rin sa mundo. Ang mga abong bumagsak doon ay sinikap ko ring mabuhay. Makikita mo ang mga ito ngayon sa anyo ng mga puno at halamang may makukulay na bulaklak," paliwanag pa ni Araw.
    Hindi makapaniwala si Buwan sa nakita. Ang mga abong nanatili sa kalawakan ay nakakuha ng ningning mula kay Araw kaya't sa dilim ay kumukuti-kutitap ang mga ito at tinawag na mga bituin. Ang mga abong bumagsak sa mundo ay tumubo at naging mga puno at halamang may makukulay na bulaklak. Ang sinag ni Araw din ang bumubuhay at nagbibigay-tingkad sa mga ito. Muling ngumiti ni Buwan. Masaya na siyang nakakapiling pa rin niya ang anak kahit sa ganitong paraan.
    Unti-unti, dahil sa ipinakitang pagmamahal ni Araw ay naibalik ang nasirang tiwala ni Buwan sa kanyang asawa. Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin silang dalawa sa pagbibigay-liwanag sa mundo. Gayumpaman may mga gabing hindi nakikita si Buwan. Ito kasi ang mga panahong masaya siyang nakatitig sa mga bituing nangniningning sa kalawakan at sa mga puno at makukulay na bulaklak sa kalupaan. Subalit may mga gabing bilog na bilog at nagniningning ang liwanag ni Buwan. Ito naman ang mga gabing nagpapatunay na naibalik na nang tuluyan ni Araw ang dating sigla at kagandahan ni Buwan.
    #sibuwansiarawatangmgabituin
    Thank you for watching !

Комментарии •