Moments of Reflection with God (January 19, 2025 - Feast of Sto Nino)
HTML-код
- Опубликовано: 5 фев 2025
- January 19, 2025
Feast of Sto. Nino
Gospel Reading: Lucas 2:41-52
Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta ng Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa pag-hahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Hesus. Umunlad ang kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.
Viva Pit Senyor!
Mga kapananampalataya, ipinagdiriwang natin ngayon sa Pilipinas ang kapistahan ng Sto. Nino o ang batang si Hesus. Dapat sana ay nasa ikalawang linggo na tayo sa karaniwang panahon. Subalit, ang Pilipinas ay pinayagan ng Vatican na magkaroon tayo ng special na pagdiriwang ng Sto. Nino dahil sa hatid nitong kahalagahan sa ating kultura at pagyabong ng Kristiyanismo sa bansa. Ang orihinal na imahe ay matatagpuan Basilica Minore del Sto. Nino sa Cebu. Ito yung ibinigay nina Magellan kina Rajah Humabon noong siya at ang kanyang mga katribo ay nagpabinyag at tinanggap ang pagiging Christiyano. Kung kaya ang pagdiriwang ng Santo Nino ay mahalaga hindi lang sa ating buhay pananampalataya, ito ay maging sa ating kultura at kasaysayan.
Ang pagdiriwang natin ngayon ay nagpapakita na talagang si Hesus ay naging isang tao. Kasi siya ay dumaan sa proseso ng pagiging isang bata. Isa sa mga katangian ng isang bata ay nakikinig. Mababasa natin ito sa ating ebanghelyo. Noong natagpuan siya ng kanyang inang si Maria at ni San Jose, ang Batang si Hesus ay nakikinig sa mga guro sa templo.
Isa pang katangian ng isang bata na ipinakita ni Hesus sa ebanghelyo ay yung pagiging masunurin. Nakinig siya sa kanyang mga magulang at siya ay sumunod sa kanila marahil noong sinabi nila sa kanya na sila uuwi na sa Nazareth kasama siya. Sa pagdaan ng panahon ng kanyang kabataan, lalo siyang naging masunurin at nakikinig, hindi lamang kina Mama Mary at San Jose, higit sa lahat sa Diyos Ama.
Panginoon, turuan mo po kami na matutong makinig at sumunod sa inyong mga aral at kagustuhan at maging sa aming mga magulang. Amen.