FRIDAY LIVE MASS TODAY at Santo Padre Pio National Shrine - Batangas. February 07, 2025. 6a.m.

Поделиться
HTML-код
  • Опубликовано: 6 фев 2025
  • Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Today Begins 6AM
    Biyernes ng Ika-4 Linggo sa KARANIWANG PANAHON (I) | Feb. 7, 2025
    Friday Mass | PEBRERO 07 2025
    UNANG PAGBASA
    Hebreo 13, 1-8
    Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
    Mga kapatid, magpatuloy kayong nag-iibigan bilang magkakapatid kay Kristo. Huwag ninyong kaligtaan ang pagpapatuloy sa mga taga-ibang bayan. May ilang gumawa nito, at nakapagpatuloy sila ng mga anghel nang di nila nalalaman. Damayan ninyo ang mga nabibilanggo, na parang kayo’y nakabilanggo ring kasama nila. Gayun din ang mga pinagmamalupitan, sapagkat maaaring kayo ma’y dumanas din ng gayun.
    Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa, at maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa. Sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at mga nangangalunya.
    Huwag kayong magmukhang salapi; masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Walang pag-agam-agam na masasabi natin,
    “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
    Hindi ako matatakot,
    Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
    Alalahanin ninyo ang mga nangasiwa sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin nga ninyo kung paano sila namuhay at namatay, at tularan ninyo ang kanilang pananalig sa Diyos. Si Hesukristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman.
    Ang Salita ng Diyos.
    SALMONG TUGUNAN
    Salmo 26, 1. 3. 5. 8b-9abk
    Panginoo’y aking tanglaw,
    siya’y aking kaligtasan.
    Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
    kaya walang takot ako kaninuman;
    sa mga panganib kanyang iingatan,
    kaya naman ako’y walang agam-agam.
    Panginoo’y aking tanglaw,
    siya’y aking kaligtasan.
    Kahit salakayin ako ng kaaway,
    magtitiwala rin ako sa Maykapal.
    Panginoo’y aking tanglaw,
    siya’y aking kaligtasan.
    Iingatan ako kapag may bagabag,
    sa banal na templo’y iingatang ligtas;
    itataas niya sa batong matatag.
    Panginoo’y aking tanglaw,
    siya’y aking kaligtasan.
    Ang paanyaya mo’y, “Lumapit sa akin,”
    Huwag kang magkukubli’t kita’y hahanapin!
    H’wag kang magagalit, huwag mong itatakwil
    akong katulong mo at iyong alipin.
    Panginoo’y aking tanglaw,
    siya’y aking kaligtasan.
    ALELUYA
    Lucas 8, 15
    Aleluya! Aleluya!
    Ang Salitang mula sa Diyos
    kapag isinasaloob
    ay mamumunga nang lubos.
    Aleluya! Aleluya!
    MABUTING BALITA
    Marcos 6, 14-29
    Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
    Noong panahong iyon, nakarating kay Haring Herodes ang balita tungkol kay Hesus, sapagkat bantog na bantog na ang pangalan nito. May nagsasabi, “Siya’y si Juan Bautista na muling binuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” May nagsasabi naman, “Siya’y si Elias.” “Siya’y propeta, katulad ng mga propeta noong una,” anang iba pa.
    Sinabi naman ni Herodes nang mabalitaan niya ito, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko.” Si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.
    Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodes at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihilingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
    Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
    #onlinemass #livestreammass #padrepiomass #livemasstoday
    Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL)
    Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas

Комментарии • 64